Lagim sa Liwanag
November, 2019
Sumisilip na ang takip-silim, kailangan na raw natin umuwi sa ating lilim dahil delikado raw ang gabi. Ngunit hindi ba't pati ang liwanag ay binabalot ng lagim? Hindi ba't doon masisilayan ang sambayanan na tumitindig sa mapurol na pangakong tila isang santisimo?
​
Shhh...
Bawal mag tanong!
Itikom ang mga bibig, sumunod sa mga dikta at ipikit ang mga mata.
Ngunit, teka... hindi nabubulag ang mga tainga sa pag gapos ng kawalang hustisya.
​
Shhh...
Naririnig mo na ba ang pagtangis ng tahanan sa pag lipad ng pusong kinalawang sa pawis? Bayani ito ng pamilya na patuloy na sumisigaw ng saklolo sa paghahanap ng buhay sa kanilang hanapbuhay. Napapaos at hindi nakakaraos. Sumpa raw na kahit ipikit ang mga mata, itikom ang bibig, mang-apak upang maka-taas, lahat ay uuwi pa rin sa ibaba.
​
At walang langit sa lupa.
​
Ang pag-asa naman ay s'yang uusbong habang umuugong ng katarungan sa oras na hindi nagpapalinlang na sukatan ng kapayapaan ang katahimikan.
​
Hindi sukatan ng kapayapaan ang katahimikan!

Talasan ang pandinig at pakinggan ang dahas ng mga mapang-ahas.
Uulitin ko, pakinggan ang dahas ng mga mapang-ahas.
Sapat na iyon na ebidensya upang umalpas.